31/08/2025
Open Letter
Para sa mga sangkot na Engineer.
Bakit nga ba kapwa Pilipino pa ang siyang nagmamalabis at nanlalamang sa kanyang bayan? Sa dami ng kalamidad na naranasan na ng ating bansa lalo na ang paulit-ulit na pagbaha inaasahan sana namin na ang inyong mga proyekto ay magiging daan upang maibsan ang hirap ng mamamayan. Subalit sa halip na solusyon, mas naging sanhi pa ito ng pagdurusa.
Isipin ninyo ang mga nasalanta ang mga nawalan ng tirahan, ng ari-arian, ng trabaho, at higit sa lahat, ng kanilang mga mahal sa buhay. Marami ang nasawi dahil sa leptospirosis at iba pang sakit na dulot ng baha. Kung naging maayos at tapat lamang ang inyong pagganap sa tungkulin, baka silaโy buhay pa ngayon at kapiling ng kanilang pamilya, patuloy na nagsusumikap at nagbibigay suporta bilang haligi ng tahanan.
Hindi matatawaran ang bigat ng inyong pananagutan.
Ang bawat piso ng buwis na kinukulekta ay galing sa dugo at pawis ng mamamayan. Ngunit itoโy nilustay at hindi naipuhunan sa tamang proyekto para sa bayan. Kung nailaan lamang ang pondong ito sa serbisyong pangkalusugan sa pagpapatayo ng mga ospital, pagbili ng gamot, o pagpapaigting ng mga programang pangkalinisan at pangkalusugan sana mas marami pa ang nasagip at natulungan. Sana mas kaunti ang nagkasakit, at mas marami ang nabigyan ng pagkakataong mabuhay nang ligtas at may pag-asa.
Sanaโy usigin kayo ng inyong konsensya sa bawat pamilyang nagluluksa at sa bawat batang nawalan ng magulang dahil sa kapabayaan at kasakiman. Paano kung ang inyong sariling pamilya ang mawalan ng buhay o tahanan dahil sa palpak na gawa? Huwag sana ninyong hintayin na maranasan ninyo ang sakit na dinaranas ngayon ng inyong mga kababayan.
Ang hustisya ay nararapat maibigay ang tiwala at pera ng bayan ay dapat maibalik at magamit nang wasto para sa ikabubuti ng lahat.
Nawaโy magsilbing aral ito, hindi lamang sa inyo kundi sa lahat ng mga nasa posisyon at propesyon na may hawak ng kapangyarihan at pondo. Huwag nawa itong maulit muli. Ang tunay na propesyonal ay naglilingkod ng may integridad, malasakit, at dangal hindi para sa sariling bulsa, kundi para sa bayan.
Nagmamahal sa Bansa
MEDTEK