01/09/2019
Ating Alamin 🔥🔥
Huwag Uminom Ng Gamot Sa Kirot Ng Pang-matagalan
Health tip ni Dr Willie Ong
May babala po ako tungkol sa matagalang pag-inom ng gamot sa kirot. Ayon sa pagsusuri, puwede itong magdulot ng sakit sa bato (kidneys) at umabot sa dialysis. Puwede din ito magdulot ng ulcer at paghapdi ng tiyan.
Marami na akong nakitang pasyenteng nag-dialysis o nasira ang kidneys dahil matagal na silang uminom ng gamot sa kirot. Hindi nila napansin na ilang buwan na pala sila umiinom ng pain medicines. Dapat ay bihira mo lang itong gamitin at huwag lalampas sa 1 linggo.
Ang ehemplo ng mga gamot sa kirot ay ang mefenamic acid, diclofenac, ibuprofen, naproxen, celecoxib at etoricoxib.
Ang mga gamot sa kirot ay tinatakpan lang ang sakit na iyong nararamdaman. Pero nananatili pa rin ang pamamaga at diprensya sa katawan. Hindi panlunas itong mga gamot kundi panandaliang ginhawa lamang.
Tandaan: Para malunasan ang iyong sakit, kailangan mahanap ang dahilan nito. Kumonsulta sa doktor para mabigyan ng tamang solusyon.
Sakit sa Katawan: Anong Gagawin?
Para sa may arthritis, sumubok ng ibang paraan para mawala ang kirot, tulad ng hot o cold compress. Puwede din lagyan ng pamahid na langis.
Para sa masakit ang katawan, subukan ang masahe at hot compress. Mas ligtas ang mga pamahid sa balat (gel) kumpara sa mga tableta na iniinom.
Para sa masakit ang ulo, puwede i-masahe ang ulo at sentido para mabawasan ang sakit ng ulo. Kumonsulta muna sa inyong doktor bago uminom nitong mga gamot.
Ang mas ligtas na gamot ay ang paracetamol tablets o syrup. Pero hindi rin ito puwede araw-arawin dahil may epekto naman sa atay.
Sana po ma-i-share ninyo itong post para makatulong sa ating kababayan at maka-ligtas ng ilang buhay. Marami ang hindi nakakaalam na may masamang epekto na pala ang gamot sa kirot sa kanilang katawan.
Okay lang ang gamot na maintenance sa high blood at sa diabetes. Ligtas po ito. Ituloy ninyo ang pag-inom nito.
Mula sa isang nagmamalasakit lang po. - Doc Willie