
23/09/2025
𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗛𝗲𝗮𝗹𝘁𝗵 𝘀𝗮 𝗔𝗻𝘂𝗻𝘀𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗻𝗴𝘂𝗹𝗼 𝘂𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝗯𝗮𝗹𝗶𝗸 𝗻𝗴 𝗣𝗼𝗻𝗱𝗼
Malugod na tinatanggap ng PhilHealth ang anunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa pagbabalik ng P60 Bilyong pondo sa PhilHealth. Taos-puso kaming nagpapasalamat sa kanyang patuloy na suporta at malasakit sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan upang tiyakin na ang bawat Pilipino ay makatanggap ng abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Ang mahalagang hakbang na ito ay patunay na tiwala ang pamahalaan sa kakayahan ng PhilHealth na magbigay ng proteksyong pampinansyal sa lahat ng Pilipino. Ipinapangako namin na ang pondong ito ay gagamitin nang may buong katapatan, integridad, at transparency. Ito ay upang higit pang mapabuti at mapanatili ang mga benepisyong natatanggap ng aming mga miyembro, lalo na sa harap ng tumataas na gastusing medikal at nagbabagong pangangailangan sa kalusugan.
Nanatiling matatag ang PhilHealth sa misyon nitong maghatid ng Mabilis, Patas, at Mapagkakatiwalaang serbisyong pangkalusugan. Makakaasa kayong patuloy naming pagsusumikapang pagandahin at palawakin ang aming mga benepisyo.
Kasama ang pambansang pamahalaan at iba pang katuwang, sama-sama nating iangat ang antas ng kalusugan sa Bagong Pilipinas.