13/12/2025
Masamang epekto ng pag inom ng kape
Wala ka mang hypertension at ikaw man ay malusog, mahalaga pa rin na tandaan na ang lahat ng sobra ay masama. Ano nga ba ang masamang epekto ng sobrang pag inom ng kape?
1. Muscle breakdown
Hindi man pangkaraniwan pero mayroong mga naitalang kaso ng rhabdomyolysis na naiuugnay sa labis na caffeine intake. Ang rhabdomyolysis ay isang uri ng seryosong kondisyon kung saan ang damaged na muscle fibers ay pumasok sa bloodstream. Nagreresulta ito ng kidney failure at iba pang problemang pangkalusugan.
2. High blood pressure
Maraming pag-aaral na umano ang naisagawa kung saan napag-alaman na nakapagpapataas ng blood pressure ang caffeine. Dahil ito sa stimularoty effect nito sa nervous system. Mahalaga umano na maging aware sa dosage at timing ng pagkonsumo ng caffeine.
Mas tumataas umano ang blood pressure ng taong umiinom ng kape matapos mag-ehersisyo. Gayundin ang mga taong mayroon nang high blood pressure ay lalo pang tataas ang presyon ng dugo kung iinom ng kape.
Tandaan na risk factor ng heart attack at stroke ang pagkakaroon ng high blood pressure.
3. Pananakit ng tiyan at pagtatae
Naglalabas ng gastrin hormones ang ating katawan tuwing umiinom tayo ng kape. Ang hormones na ito ang responsible sa pagpapabilis ng activity sa colin ng tao. Kaya naman, marami sa atin ang nakakaramdam ng pagdumi matapos uminom ng kape.
Dahil sa epektong ito ng kape sa katawan, hindi na kataka-taka kung magdulot ng pagtatae o diarrhea ang labis na pag-inom ng kape.
4. Anxiety
Alam naman natin na kaya marami rin ang nagkakape sa atin ay dahil nakatutulong ito para tumaas ang ating energy at alertness. May kakayahan ang kape na i-block ang epekto ng adenosine, brain chemical na nagpaparamdam ng pagod. Dagdag pa rito, natritrigger din ang release ng adrenaline hormones tuwing nainom ng kape.
Kaya naman kung sobra ang iniinom na kape, maaari itong magdulot ng labis na pagkabahala o nerbyos at anxiety. Sa katunayan, ang caffeine-induced anxiety disorder ang isa sa apat na caffeine-related syndromes na nakalista sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders.
5. Insomnia o hirap sa pagtulog
Bukod sa pagpapataas ng energy, alam na alam na rin natin na karamihan sa umiinom ng kape ay upang maiwasan na tayo ay antukin. Mayroong pag-aaral na nabanggit sa artikulo ng Healthline.
Kung saan napag-alaman na ang mataas na caffeine intake ay nakapagpapatagal din ng oras bago makatulog ang isang tao. Mapababa rin nito ang sleeping time lalo na sa mga nakatatanda.
Kaya naman, isa sa masamang epekto ng kape sa katawan, kung labis ang caffeine intake, ay ang pagkakaroon ng insomnia. Kung ikaw ay nahihirapang matulog, subukang bawasan ang caffeine intake.
6. Fatigue
Nagagawa man ng kape na panatilihing mataas ang energy level natin. Posible itong magkaroon ng opposite o kabaliktarang epekto sa katawan kapag bumaba na ang caffeine sa iyong sistema.
May rebound fatigue na tinatawag na maaaring maranasan kapag mababa na ang caffeine sa iyong sistema. Para maiwasan ang fatigue na ito, kailangan uminom nang uminom ng kape. Pero ito naman ay makasasama sa iyong sleeping ability.
7. Matinding pagtibok ng puso
Pinabibilis ng stimulatory effects ng caffeine ang tibok ng iyong puso. Posible rin itong humantong sa tinatawag na altered hearbeat rhythm o atrial fibrillation.
Tandaan na magkakaiba ang epekto ng kape sa katawan ng bawat tao. Mayroong mga taong mas prone sa masamang epekto ng kape sa katawan. Kaya ano man ang kondisyon, mahalagang hinay-hinay lang sa pag-inom ng kape upang maiwasan ang masamang epekto nito sa kalusugan.
゚ ゚