27/02/2025
LIFE TESTIMONY NI J.H.L
"RE-IGNITE"
DEC 15, 2022, ang maagang regalo sa akin sa paparating na pasko, dahil ang araw na ito ay ang araw ng pag labas ko sa lugar ng pagbabago. Lungkot at saya ang nadarama ko. Malungkot kasi iiwan ko na ang mga kapatid ko sa recovery, ang aking case management team (CMT), ang mga teachers ko simula sa ERS hanggang ako ay nag senior at ang mga house parents dahil sila ang naging pamilya ko sa loob ng labing isang buwan at apat na araw. Masaya dahil maraming gintong aral, masasayang alaala na nakilala at nakasama ko sila. Isang yugto ito sa buhay ko na kahit kailan man ay hindi ko makakalimutan at higit sa lahat, tapos na, napagtagumpayan ko ang buhay sa residential…pero mag sisimula palang ang tunay na laban. Buti na lang mayroon pang “follow up aftercare program”. Ito ang magiging gabay ko. Tutulungan nila ako na maka-adjust at i-integrate muli sa community at dito na rin ako tinawag bilang isang RDD. Sa “phase one” kailangan ko na mag report isang beses sa isang linggo at kailangan ko na mag drugtest para mapatunayan na ako ay malinis. Masaya ako tuwing may “group session” at pag nakakausap ko ang matatalinong staff. Naikukwento ko sa kanila ang hirap na pinag dadadaanan ko bilang isang RDD at dahil sa tulong at pag gabay nila sa akin, natututunan ko ang mga dapat kong ingatan, bantayan at pag yamanin pa sa aking recovery. Pagkatapos, diretso ako sa simbahan para mag pasalamat. masaya na mabuhay na walang halong droga, Napakasayang mabuhay pag si Lord ang palagi na kasama. Isang gabi habang nakatayo ako sa labas ng bahay namin dumaan ang kaibigan ko na pastor, yinakap ako nito at sinabing “B., im very proud of you. Nabalitaan ko na nag “rehab ka”. Wala akong naisagot sa kanya kundi ang matamis na ngiti sa aking mga labi. Isinali niya ako sa kanilang bible study tuwing miyerkules ng gabi habang sa umaga ay nasa “N.A” meeting naman ako. Dalawang support group na sobrang laki ang naitulong sa aking recovery at ang scheduling ng daily activities para ako ay palaging busy. Lumipas pa ang mga araw, inanyayahan niya ako na dumalo sa kanilang simbahan para mag bigay ng aking testimony kung paano binago ni Lord ang buhay ko sa tulong na rin ng “CSTRC”. Bagamat sila ay kristiyano ako naman ay romanong katoliko hindi ito naging hadlang para sumagot ako na “oo” sa harapan ng maraming tao, nanginginig man na hawak ko ang mikropono, ikinuwento ko ang naging buhay ko bilang isang ”drug addict” at lahat ng hirap na aking pinagdaanan saglit ako na tumingin sa mga nakikinig sa akin. I was surprised, dahil sila ay nag iiyakan. May kwenta ang kwento mo” sabi ng pastor sa akin. Ilang beses pa ito na naulit sa ibat-ibang church dito sa Camarines Sur, Nakakalungkot at mahirap man ang mga pinagdaanan ko, masaya ako pag ikinukwento ko ito dahil alam ko, by sharing my story, I can make a difference sa buhay ng ibang tao. Pagbibigay ng bibliya sa komunidad, pag papakilala sa salita ng Diyos, pag bibigay ng gift boxes mula sa ibang bansa para sa mga bata, napakaganda and it seems like everything is working for me, but not for long…April ,2023 habang ako ay nasa “Phase 2” paalala sa amin ni sir na kailangan namin na mag doble ingat dahil dito sa phase two, kadalasan ang mga RDD ay naglalaglagan. Tama siya. Kasi pagkatapos namin ng session, muli ako na natukso na gumamit. After “158 days” na pagiging “sober and clean” ako ay nag lapse for the first time and it will not be the last. Lahat ng naipon ko at naipundar ay nawala. Lahat ng pinag-aralan at natutunan ko sa rehab, ni isa man, ay wala akong nagawa. Hindi na rin ako nag attend sa bible study, sa church o sa mga “N.A” meeting. Ano pa ang purpose ng mga panalangin ko if I’m about to commit sin again. It took me several months para mag report, magpakitang muli sa center. October 13 ang araw na iyon. Pag drugtest sa akin, ako ay nag positive. Expected ko na yon. Kasama si sir at si mama, nag usap kami kung ano ang aking plano dahil nasa inpluwensya ng droga lahat ng sinabi ko ay hindi totoo. Kaya noong araw na dapat ko nang i-serve ang aking “L.E” nag positive ulit ako. Kaya ang dapat na isang araw lamang ay naging tatlo. Pag uwi ko, dumiretso ako sa simbahan para manalangin nagdududa man kong papakingan niya pa ako, alam ko sa loob ko na hindi ako makakawala sa pagmamahal niya ay hindi ako makakatago. Naliwanagan ulit ang isip ko dahil sa tatlong araw kong pag “L.E”. Wala naman kasi talagang perfect na recovery. Nagsilbi itong “eye opener” sa akin. Na sa recovery, hindi kailangan na magmadali at wag din maging kampante. January sa kasalukuyang taon ng ako ay mailipat na sa “PHASE 3”. Dito ako ay nag co-faci, lumahok sa group dynamic at spiritual activity na pinaka nagustuhan ko sa lahat. Pero hindi ito naging madali. Dahil pagpasok ng April ay muli ako na nag lapse. Ilang months ulit bago ako nag pakita sa center. “Self disclosure,” gumagamit po ako sabi ko kay Sir Lester. Kaya nabigyan ulit ako ng five days of “L.E”. 23 months na akong nasa “A.C.P”. Ilang beses akong nadapa sa aking recovery pero hindi ito dahilan para mag mukmok na lamang. Kailangan kong bumangon. Kailangan kong lumaban. Sa pagtatapos ng lahat ng ito, natutunan ko na hindi ipinipilit ang pagbabago, dahil balewala ang lahat ng tulong kung hindi ko tutulungan ang sarili ko…kaya nag papasalamat ako sa lahat ng nakasama ko sa paglalakbay na itoS sa mga bumubuo ng “aftercare program,” kayo ang ilaw na nagbigay sa akin ng liwanag sa tuwing ako ay nahihirapan. Kayo din ang rason kung bakit nandito ako sa espesyal na araw na ito at patuloy na lumalaban. At sa aftercare staff, maraming salamat sa inyo, dahil kayo ang aking “recovery hero”. Live one day at a time. God bless us all!!! Maraming salamat po.