23/07/2024
Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kaniyang natapos na State of the Nation Address 2024 ang kanyang pangako sa epektibong implementasyon ng mga polisiya at programang may kaugnayan sa mga benepisyo ng mga Persons with Disabilities.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos: "Bukas β ang kaarawan ni Apolinario Mabini β ating tatapusin ang National Disability Rights Week. Ang ating mga Persons with Disabilities ay maaasahan ang epektibong implementasyon ng mga makabuluhang polisiya at programa na magbibigay ng patas na oportunidad, espesyal na interbensyon, at insentibo para sa kanila."
Mula nang magsimula ang administrasyong ito, inilunsad na ang mga programang pangkabuhayan para sa mga Persons with Disabilities. Sa susunod na taon, ilulunsad naman ng PhilHealth ang mga benepisyo nito para sa mga batang may kapansanan.
Halos nadoble na rin ang diskwento na ibinibigay sa mga PWD at senior citizens para sa mga pangunahing pangangailangan at mga pangunahing bilihin. "Sa lahat ng mga ginagawa nating ito, katuwang natin palagi ang pribadong sektor, lalo na sa mahalagang bagay ng trabaho at pasahod," dagdag pa ng Pangulo.
Sa pangunguna ng ating Pangulong Marcos, inaasahan ng ating mga kababayang Pilipino na may kapansanan ang higit pang pagkilala at suporta mula sa pamahalaan upang mapabuti ang kanilang kalagayan at mapalawak ang kanilang mga oportunidad sa iba't ibang aspeto ng buhay.