04/06/2025
Kasama ninyo ang UP Diliman Gender Office - Sexual and Reproductive Health and Rights Program sa pagkamit ng ligtas at makataong lipunan.
Nitong mga nakaraang araw, sunod-sunod ang balita at banta sa ating kalusugan, mula sa pagputol ng USAID Global Support na nangpabagal sa Global HIV epidemic response hanggang sa kasalukuyang pagtaas ng kaso ng HIV sa PIlipinas. Nauunawaan namin na higit itong nagdulot ng pagkabalisa at takot sa lahat. Narito ang UPDGO upang magbigay ng pahayag sa mga ito.
Sinusuportahan namin ang balita mula sa Department of Health (DOH) sa nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng kaso ng HIV sa bansa. Mahigit 500% ang pagtaas nito sa kasalukuyan, at sa kalalabas lamang na HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines Q1 of 2025 (HARP) Report ng DOH - Epidemiology Bureau (DOH -EB) tinatayang mahigit 252,800 ang estimated na People Living with HIV (PLHIV) at pabata nang pabata ang kaso nang tinatamaan ng sakit na ito. Mula sa kabuuang datos 37% nito ay mula sa edad na 15 - 24 y/o, at kada araw 57 indibidwal ang naitatawid sa kanilang life saving medication na ARV.
Totoong tumataas ang kaso ng HIV sa Pilipinas, ngunit sa mga datos na ito kailangan din natin maintindihan na ang epidemyang ito ay walang itsura at walang sintomas. Ang pagtaas ng bilang ng kaso ng HIV at dulot din ng pagdami ng mga tao na tumatanggap ng voluntary testing, edukasyon patungkol dito, gumaganang life saving medications na Antiretroviral therapy (ARV) at Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP). Higit sa lahat ay dumarami rin ang community-based actions na nagpapalakas ng case finding sa bansa. Repleksyon na ang pagtaas ng bilang ng HIV ay gumagalaw ang sistema at ang komunidad para sa epidemyang ito.
Ang HIV ay nananatiling Manageable Disease at epektibo ang life saving medications na available ngayon. Naiintindihan namin na higit na bulnerable ang mga kabataan at ang komunidad ng LGBTQIA+ dito ngunit sa ating pagtutulungan, kaya nating ibalik ang moral at karapatan sa mga komunidad na ito.
Para naman sa pagputol ng USAID support sa buong mundo, patuloy na gumawa ng paraan ang DOH para matugunan ang nawalang suporta sa bansa, at kami ay patuloy na nakikiisa sa mga organisasyon, mangagawang pang komunidad at kalusagan na naapektuhan nito, kasama ninyo ang UPDGO-SRHR sa panawagan na muli tayong makabalik sa ating mga komunidad na pinaglilingkuran. Kasama ninyo ang buong komunidad sa laban na ito. Ang pagkawala ng ng USAID support sa Pilipinas ay nakagawa rin ng ingay at pangamba sa komunida, at higit na takot ang dulot nito sa mga taong apektado ng HIV. Mula sa DOH, nananatiling matatag ang dami ARV at PreP sa bansa; kayang tugunan nito ang mga taong apektado ng epidemya. At putuloy naming ikakampanya na upang tuluyang maisakatuparan ang Philippine 5th AIDS medium term plan (AMTP) na basehang mekanismo upang mapabagal ang HIV infection sa bansa, ay huwag tayong dumipenda sa mga international institutions at dapat lamang na maglaan ng pondo para dito. Isakatuparan natin ang AMTP.
Ngayon mula dito, ang tiyak na kalaban ng ating komunidad ay ang stigma at diskriminasyon sa mga taong apektado ng HIV at AIDS, at higit itong umiinog sa komunidad, at nagpapabagal sa pagtugon sa HIV at AIDS epidemic response. Putulin natin ang sistemang patuloy na umiinog sa ating komunidad. Putulin natin ang hindi makataong pagtingin sa HIV. Ibalik natin ang Moral at Dignidad ng komunidad.
Pangako namin na kasama ninyo ang UP Diliman Gender Office sa pagbasag ng mapanupil na sistema, kasama ninyo kaming singilin ang ating mga lider upang tugunan ang ating mga pangangailangan sa kalusugan. Kasama ninyo kami sa pagsulong ng patas at makataong buhay.
Sana, samahan ninyo kaming palaganapin ang edukasyon patungkol sa HIV at AIDS. Sana samahan ninyo kaming abutin ang mga malalayo pang komunidad.
Araw-araw ay bukas ang UP Diliman Gender Office - Sexual and Reproductive Health and Rights Program upang tugunan ang inyo mga pangagailangan. Kami ay makikinig sa inyo. Maaaring magtakda ng schedule sa link na ito para sa libreng HIV Testing and Counseling, PreP at iba pang SRH concerns: https://calendly.com/srr-scheduling-system/sexual-health-counseling . Bukas din kami upang magbigay na Edukasyon para sa mga komunidad; magpadala lang ng mensahe sa email na ito: updgo@up.edu.ph