23/08/2025
‼️MGA KASO NG LEPTOSPIROSIS SA BANSA, PATULOY ANG PAGBABA; DENGUE, MAHIGPIT NA BINABANTAYAN NG DOH‼️
Sa patuloy na surveillance ng DOH, bumaba na sa labing walo ang kaso ng Leptospirosis na naitala ngayong linggo, August 17 hanggang 21.
Bagama’t maaari pa magbago ang bilang na ito sa patuloy na pagkuha ng datos, malaki na ang kaibahan nito kumpara sa naitalang 1,112 na kaso isang linggo matapos na maramdaman ang epekto ng bagyong Crising, Dante, at Emong partikular mula August 3 hanggang August 9.
Sa kabuuan, nasa 4,436 na kaso ng Leptospirosis sa bansa ang naitala mula June 8 o isang linggo matapos ideklara ang tag-ulan, hanggang August 21.
Pero, nananatiling naka-alerto ang mga DOH hospitals sa banta ng sakit dahil panahon pa rin ng tag-ulan.
Bumaba na rin ang mga Leptospirosis admitted cases sa ilang DOH hospitals kabilang na ang DOH-Tondo Medical Center na mayroon na lamang pitong bagong admission as of August 21. Malaki ang ibinaba nito mula sa pinakamataas na 68 daily admission noong mga nakaraang linggo.
Sa National Kidney Transplant Institute naman ay isa na lang ang bagong admission ngayong linggo, na mas mababa sa dalawampu’t limang pinakamataas na daily admission.
Samantala, mula sa pinakamataas na 21 na daily admission, wala nang bagong kaso na naka-admit sa DOH-East Avenue Medical Center ngayong linggo
Mananatili namang bukas ang mga Leptospirosis Fast Lanes at handa ang bed capacity ng mga DOH hospital.
Mahigpit na mandato ni Sec. Ted Herbosa na bawal tumanggi sa pasyente ang mga DOH hospital habang ipinatutupad ang zero balance billing na mandato naman ni Pangulong B**g B**g Marcos Jr. para sa basic accommodation sa lahat ng DOH hospitals.
Samantala, binabantayan din ng ahensya ang kaso ng Dengue na nasa 15,161 na mula July 20 hanggang August 2, 2025.
Mas mataas ito ng 2% kung ikukumpara sa naitalang 14,909 na kaso noong July 6 hanggang July 19 o linggo bago maramdaman ang bagyong Crising, Dante, at Emong.
Bahagya man ang pagtaas, nakaalerto pa rin ang DOH lalo pa't inanunsyo ng PAGASA ang posibilidad ng pag-ulan sa mga darating na araw dulot ng Habagat at Tropical Depression Isang.
Paalala ng Kagawaran na panatilihing malinis ang kapaligiran at patuloy na gawin araw-araw ang taob, taktak, tuyo, at takip sa mga bagay na maiimbakan ng tubig na pwedeng pangitlugan ng lamok na Aedes aegypti.
Bukas pa rin ang Dengue Fast Lanes sa mga DOH hospital upang mabilis na matugunan ang mga pasyente. Hinihikayat din ang publiko na agad na magpakonsulta kung sakaling makaramdam ng sintomas gaya ng lagnat nang dalawang araw, pagpapantal, pananakit ng katawan, kalamnan at mga mata, pagkahilo at pagsusuka.
Facebook Link: https://web.facebook.com/share/p/19Yi86WFNP/