08/09/2025
ANG 10 KUMAINMENTS!
Ang simpleng gabay para sa mas malusog na pamilya at mas masiglang bayan!
Ang ating pang-araw-araw na pagkain at pamumuhay ang may pinakamalaking epekto sa ating kalusugan. Kaya inilunsad ang 10 Kumainments – sampung hakbang tungo sa tamang nutrisyon at mas maayos na kalusugan ng bawat Pilipino.
1. Kumain ng iba’t ibang pagkain
Dahil walang iisang pagkain na kumpleto sa lahat ng nutrisyon. Ihalo ang kanin o root crops, ulam, gulay, prutas, at iba pa para balance ang diet.
2. Sa unang 6 months ni baby, breastfeeding lamang. Mula 6 months, bigyan din siya ng ibang angkop na pagkain
Ang gatas ng ina ang unang bakuna ng sanggol—punong-puno ng nutrisyon at proteksyon laban sa sakit. Pagdating ng 6 buwan, unti-unti nang ipakilala ang masustansyang solid food habang tuloy-tuloy ang pagpapasuso.
3. Kumain ng gulay at prutas araw-araw
Ang gulay at prutas ay mayaman sa vitamins, minerals, at fiber. Pinapalakas nila ang resistensya laban sa sakit at pinapanatili ang magandang digestion.
4. Kumain ng isda, karne, at iba pang pagkaing may protina
Mahalaga ang protina para sa paglaki ng mga bata, pag-repair ng mga tissue, at lakas ng katawan. Piliin din ang isda at lean meat para mas healthy.
5. Uminom ng gatas at kumain ng pagkaing mayaman sa calcium
Kailangan ng calcium para lumakas ang buto at ngipin. Kung walang gatas, puwede ring sardinas, dilis, malunggay, at iba pang local na pagkain na mataas sa calcium.
6. Tiyaking malinis at ligtas ang ating pagkain at tubig
Maraming sakit gaya ng diarrhea at food poisoning ay galing sa maruming pagkain at inumin. Ugaliing maghugas ng kamay, hugasan mabuti ang prutas at gulay, at uminom ng malinis na tubig.
7. Gumamit ng iodized salt
Maliit man ang kailangan ng katawan sa iodine, napakahalaga nito para sa kalusugan ng utak at pag-iwas sa goiter. Siguraduhing iodized ang asin na ginagamit sa bahay.
8. Hinay-hinay sa maaalat, mamantika, at matatamis
Ang sobra-sobrang softdrinks, junk foods, at matatabang pagkain ay maaaring magdulot ng obesity, diabetes, hypertension, at sakit sa puso. Mas masarap at mas ligtas ang natural at home-cooked meals.
9. Panatilihin ang tamang timbang
Ang tamang timbang ay proteksyon laban sa maraming sakit. Ito ay nakukuha sa wastong pagkain, tamang portion control, at regular na ehersisyo.
10. Maging aktibo. Iwasan ang alak at huwag manigarilyo
Regular na physical activity, sapat na tulog, at pag-iwas sa bisyo ay nagpapahaba ng buhay at nagpapababa ng panganib sa sakit tulad ng cancer, sakit sa puso, at baga.
Bakit mahalaga ang 10 Kumainments?
- Praktikal at madaling sundin ng bawat Pilipino
- Laban kontra malnutrisyon, obesity, at lifestyle diseases
- Pundasyon ng mas malusog na pamilya at komunidad
- Hakbang tungo sa mas masiglang bayan!
Eat well, be well!
Let’s continue to make more good health happen!