04/06/2023
Ang buwan ng Hunyo ay Dengue Awareness Month!
Ang dengue ay isang sakit na sanhi ng dengue virus na naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na kabilang sa Aedes species (lalo na ang Aedes aegypti). Naglalagi ang mga lamok sa mga madudumi at basang mga lugar, kung kaya ay nagiging malimit ang paglaganap ng dengue sa panahon ng tag-ulan. Ang isang indibidwal ay maaaring magkaroon ng dengue nang hanggang apat na beses sa kabuuan ng kanyang buhay, dahil ang dengue ay mayroong apat na serotypes. Nangangahulugan ito na hindi naaapektuhan ang isang indibidwal ng isang serotype ng dengue na dati nang nakaapekto sa kanya.
Ang Aedes species na mga lamok na siyang nagdadala ng dengue virus, ay may mga puti at itim na guhit sa kanilang katawan at madalas na umaatake sa pagitan ng alas sais hanggang alas otso ng umaga, at sa pagitan ng alas kwatro hanggang alas otso ng gabi. Ang mga lamok na ito ay nagpaparami sa stagnant water, o sa hindi na dumadaloy na tubig.
Kapag ang isang indibiwal ay tinamaan ng dengue, maaari siyang makaranas ng mataas na lagnat na tumatagal ng dalawa hanggang pitong araw, pananakit ng kasu-kasuan at kalamnan, panghihina, pamamantal ng katawan, pagdurugo ng ilong, at pagsusuka at pagdurumi na may kasamang dugo. Kung sakaling makaranas ng mga nasabing sintomas, agad na magpunta sa pinakamalapit na pagamutan sapagkat ang dengue ay maaaring lumala sa loob lamang ng ilang oras kung hindi agad mabibigyan ng atensyon. Ang dengue ay walang tiyak na gamot. Bagkus, tanging mga gamot lamang sa pagpapabuti ng mga sintomas ng dengue ang ginagamit sa pangangalaga ng mga indibidwal na apektado ng dengue. Ang pag-inom ng maraming tubig at pagpapahinga ay ilan sa mga pinakamainam na gawain upang maibsan ang dengue. Hindi rin inirerekomenda ang pag-inom ng Aspirin at Ibuprofen sapagkat maaari nitong pataasin ang tiyansa ng pagdurugo.
Narito ang ilang paraan upang makaiwas sa dengue:
-itaob o itago ang mga lalagyang maaaring pasukan ng tubig sapagkat ang mga ito ay maaaring pamahayan ng mga lamok; kung maaari, iwasan ang pag-iimbak ng mga bote o iba pang lalagyan;
-kung magpupunta sa mga masisikip o masusukal na lugar, magsuot ng mga damit na nagtatakip sa mga braso at binti tulad ng mga pantalon at long sleeves;
-gumamit ng mga mosquito repellant sa katawan;
-makilahok o magpakita ng suporta sa mga hakbang/proyekto ng inyong lokal na pamahalaan na nakatuon sa pagiwas/pagpuksa sa dengue sa komunidad