25/04/2026
KHO Ob-Gyne and Medical Clinic
Sakit ng Ulo: Alamin ang Dahilan
Payo Ni Doc Willie Ong
Ang sakit sa ulo ang madalas ireklamo ng pasyente sa kanilang doktor. Ang iba ay natatakot na baka kung ano na ang masamang sanhi nito. Ngunit huwag mangamba, karamihan ng sakit ng ulo ay hindi delikado.
Una, kung ang sakit ng ulo ay sumasabay sa pagbasa ng diyaryo o pagtrabaho sa harap ng computer, malamang may diprensya ang iyong mga mata. Magpagawa ng salamin at magpatingin sa optometrist o ophthalmologist.
Pangalawa, kung labas pasok ka sa malamig at mainit na lugar, puwede din sumakit ang ulo. Hindi po ito masama. Naninibago lang ang mga ugat natin sa ulo dahil sa pagbabago ng panahon.
Pangatlo, kung ang sakit ng ulo ay gumiginhawa sa pagmamasahe ni Misis, malamang ay stress o tensyon lang iyan. Naninikip kasi ang mga masel (muscles) ng ulo natin kapag naii-stress. Ang ibig sabihin ay marami kang iniisip, maraming problema at kulang sa budget, kaya sasakit talaga ang ulo.
Ang mga nabanggit ko na sanhi ng sakit ng ulo, mula sa mata, sa pagbago ng panahon at sa stress ay puwede nang hindi ipa-check sa doktor.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
1. Ang migraine ay isa ding pangkaraniwang dahilan ng sakit ng ulo. Malalaman mo na migraine iyan dahil kalahati lang ng ulo ang sumasakit.
2. Ang Sinusitis ay mula sa impeksyon at may kasamang sipon.
3. Kapag matindi ang sakit ng ulo, kung may kasamang lagnat, pagsusuka o panghihina, isangguni na sa doktor. Kunin din ang blood pressure. Kapag mataas sa 140/90, posible din na altapresyon ang dahilan ng pagsakit ng ulo.
4. Ang mga sakit na binabantayan ng doktor ay ang istrok, brain aneurysm at brain tumor. Ang sintomas nito ay ang sakit ng ulo, panghihina o pamamanhid ng katawan.
Ngayong alam mo na ang mga dahilan ng sakit ng ulo, makapagdedesisyon ka na ng tama kung kailangan magpacheck sa doktor. Good luck po!