05/04/2022
Ang cleft lip (bingot) at cleft palate (ngongo) ay mga birth defects na hindi pa lubusang tukoy kung ano talaga ang sanhi. Nangyayari ito kapag hindi normal ang pagbuo ng mukha ng sanggol sa mga unang buwan ng pagbubuntis. Nakikita ito agad pagkapanganak ng isang buntis, at maaaring ma diagnose o malaman na sa prenatal ultrasound pa lamang.
Madalas, ikinakatakot ng isang ina na baka magkaroon ng ganitong kondisyon ang kanilang sanggol dahil sa trauma tulad ng pagkahulog o pagkadulas. Bagaman ibayong pagiingat ang kinakailangan ng mga buntis sa kanilang katawan, limitado o maaaring wala pang pag-aaral na nagpapatunay na maaring magkaroon ng bingot/ngongo ang sanggol sa sinapupunan kapag nahulog o nadulas ang ina.
Ayon sa mga pag-aaral, ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay puwedeng:
- 'nasa dugo' o namamana (genetic)
- dahil sa environment na ginagalawan ng ina
- dahil sa pagkakasakit
- maaari rin dahil sa mga iniinom o kinakain
Karagdagan, maaari rin magkaroon ng ganitong kondisyon kahit walang nalalamang dahilan, kahit parehas normal ang buong angkan o magulang.
Subalit ayon sa ilang pag-aaral, mas mataas ang risk ng pagkabingot o ngongo sa isisilang na sanggol dahil sa mga sumusunod:
- paninigarilyo, pag-inom ng alak, paggamit ng 'droga'
- pagkakasakit tulad ng diabetes, obesity, o infection (tulad ng german measles)
- Malnutrisyon (halimbawa ay kulang sa folic acid)
- Pag-inom ng mga gamot (halimbawa sa epilepsy)
Paano maiiwasan ang bingot at ngongo? Iwasan lamang po ang magpapataas ng risk ng isang buntis:
- Huwag manigarilyo at iwasan ang usok nito. Huwag uminom ng alak at gagamit ng bawal na droga.
- Kumain ng tamang dami at ng masustansiya. Uminom ng mga vitamins at minerals na nireseta o recommended ng healthcare workers para sa mga buntis.
- Kumunsulta sa doctor (OB) kung mayroong sakit o karamdaman, at huwag basta-basta uminom ng gamot na hindi nireseta nila. Kasama na rito ang regular na check-up para malaman ang mga tamang gawain habang nagbubuntis.
Ang pagkakaroon ng cleft po ng sanggol ay maaaring mapababa ang posibilidad, kung hindi man maiwasan. Meron din po itong lunas sa pamamagitan ng operasyon kun mayroon pagkasilang. Kung makita po sa inyong ultrasound ang ganitong kondisyon, kumunsulta lamang po sa mga healthcare workers para kayo ay matulungan ng mas maaga at mabigyan ng referral sa mga specialists.
Nasa ibaba po ang isang video ng Smile Train Philippines na isang NGO or Charity Organization na maaaring makatulong sa may mga bingot o ngongo. Maaari rin pong tumugon sa Advanced Craniofacial Project Philippines, Inc., na isa ring non-profit charitable organization.
https://web.facebook.com/SmileTrainPhilippines/
https://web.facebook.com/ACPPI2015/