
23/08/2025
( Genesis 22 : 9 - 10 ). “At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak”
( Genesis 22 : 16 - 18 ). “Sa aking sarili ay sumumpa ako, ang sabi ni Jehova, sapagka’t ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig”
Sabi Ng Makapangyarihang Diyos
“Nang iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak, nakita ba ng Diyos ang kanyang mga pagkilos? Oo, nakita Niya. Ang buong proseso—mula sa simula, nang hingin ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac, hanggang sa aktwal na pagtaas ni Abraham ng kanyang sundang upang patayin ang kanyang anak—ay nagpakita sa Diyos ng puso ni Abraham, at anuman ang kanyang dating kahangalan, kamangmangan, at hindi pagkakaunawa sa Diyos, noong sandaling iyon, ang puso ni Abraham para sa Diyos ay totoo, at tapat, at tunay ngang ibabalik niya si Isaac, ang anak na ibinigay sa kanya ng Diyos, pabalik sa Diyos. Sa kanya, nakita ng Diyos ang pagsunod, ang mismong pagsunod na nais Niya.”
“Nang nagawang sundin ni Abraham ang hinihingi ng Diyos, nang kanyang ialay si Isaac, saka lamang tunay na naramdaman ng Diyos ang pagkakaroon ng katiyakan at pagsang-ayon sa sangkatauhan—tungo kay Abraham, na Kanyang hinirang. Saka lamang nakasiguro ang Diyos na ang taong ito na Kanyang hinirang ay isang hindi mababalewalang pinuno na maaaring magsagawa ng Kanyang pangako at ng Kanyang susunod na plano ng pamamahala. Kahit na ito ay isang pagsubok lamang, nasiyahan ang Diyos, naramdaman Niya ang pagmamahal ng tao sa Kanya, at nadama Niya ang kalinga ng tao na hindi Niya dating nadama.”