11/12/2024
🏥👨⚕️
Ang mga sugat sa balat katulad ng nasa larawan ay huwag maliitin. Lalo na kung matagal na ito at pabalik balik.
Marami sa atin ay binabaliwala lang ito dahil nga bata at nakuha lang sa kalikutan.
Lingid sa kaalaman ng marami pwede itong magkaroon ng epekto sa bato o sa kidney.
Ganito yun, yung mga sugat nayan ay magkakaroon ng impeksyon, nakikita niyo yan dahil medyo may nana. Pagkatapos yung mga mikrobyo ay papasok sa katawan ng bata at papasok sa dugo.
Mapapansin ito ng ating immune system at maglalabas din ang ating katawan ng mga munting dipensa ang tawag dito ay antibody o ang ating mga maliliit na sundalo.
Magkakaroon ng labanan. Magrerestling ang mga yan at magyayakapan. Ang tawag namin doon ay antibody-antigen complex.
At dahil ang dugo ay dumadaloy, na-aabot ang labanan na ito sa kidney at dahil nga nagyayakapan ang mikrobyo at ang ating mga sundalo, na-iipit ito sa mga maliliit na daanan sa kidney. At dahil doon ma-apektohan ang trabaho ng kidney at mamaga ang mga ito.
Ang resulta, iihi ng dugo ang bata at dahil medyo barado na ang daluyan ng ihi, magmamanas ang mukha at katawan ng bata na parang tumaba.
Ang delikado pa dyan ay pwedeng mag high blood ang bata at pwedeng tumirik ang mata at magkumbulsyon dahil sa high blood! Opo pwedeng maghighblood ang bata dahil dito!
At kung papainumin ng madaming tubig ay pwedeng lumala lalo! Kaya di lahat ng problema sa ihi ay ang paginum ng tubig ang solusyun.
Kailangan po itong mga ganito ay ina-admit upang magamot ng mabuti. Iiwas rin sa mga maalat dahil nakakalala rin.
So paano ba ito mapigilan?
1. Kailangan gamutin ang lahat ng sugat. Wag hayaang tumagal. Pwede Betadine o Mupirocin ointment. Pero kung ayaw mawala dapat magpacheckup.
2. Maligo dalawang beses sa isang araw. Dahil sa dumi galing sa paglalaro ito nakukuha.
3. Magnailcutter ng kuko dahil ang kamot ng kamot ay nakakasugat rin at nakakaimpeksyon.
4. Kapag may skin allergy, umiwas sa mga pagkain na nakakarashes dahil pagkinamot masusugat na ang mga ito. Pakunsulta rin sa Doctor kapag parati ang allergy.
Ang sakit na iyan ay AGN or Acute Glomerulonephritis.
Dr. Richard Mata
Pedia
Senatorial Candidate